Tuesday, April 9, 2013

Unos

pinoyweekly.org


UNOS by Admin JAY - R
by Pinoy Ghost Stories and More (Notes) on Thursday, May 12, 2011 at 3:48am

Ang Liputan ay isang baryo sa Meycauayan na nakalutang sa tubig. Isa
itong munting isla na napalilibutan ng tubig. Maaari lang itong
marating sa pamamagitan ng bangka.

Sa lugar na ito nakatira ang mag-anak na Santiago. Likas na mahirap
ang pamilyang ito. Isang bangkero si Mang Uro noong ito'y nabubuhay
pa. May maliit itong bangka na siyang ginagamit panghanapbuhay.

Naghahatid siya ng mga pasahero paroo't parito sa isla ng Liputan.

Ngunit kailan lang ay sinamangpalad na mamatay si Mang Uro. Tumaob ang
sinasakyan nitong bangka at kasama ng iba pang pasahero ay bumulusok
sa maitim na tubig ng ilog Meycauayan. Sa mga sakay ng bangka, si Mang
Uro ang nagbuwis ng buhay. Pinalad na makaligtas ang kanyang mga
pasahero.

Naganap ang insidenteng iyon isang panahon na kasagsagan ng unos o
bagyo. Doon lalong nadama ng iniwang pamilya ni Mang Uro ang
kahirapan. Ang asawang si Mabel ay madalas pang may sakit. Anim ang
kanilang mga anak. Ang panganay na si Leo, na edad 17 ang umako ng
responsibilidad.

Ngunit hindi sinundan ni Leo ang yapak ng ama. Sa halip na maging
bangkero, pinili nitong magkargador sa palengke ng Meycauayan.

Madaling araw pa lang ay sumasakay na ng bangka si Leo upang
makarating sa palengke. Ang kita sa maghapong pagkakargador ay
sinisikap niyang maiuwi kinagabihan upang may makain ang maliliit pa
niyang mga kapatid at ang sakitin nilang ina. Napilitang balikatin ni
Leo ang responsibilidad dahil wala itong iba pang maaasahan. Maliliit
pa ang lima niyang kapatid. Ang ina nama'y sakitin.

Isang umaga ay tinanghali ng gising si Leo. Nasarapan ang kanyang
tulog dahil sa malamig na klima. Umuulan kasi noon. May bagyo. Nang
nagdaang gabi pa lang ay malakas na ang ulan.

"Kung ipagpaliban mo muna kaya ang alis mo, anak?"

Nakabihis na noon si Leo. Kupasing maong na shorts at lumang t-shirt
ang suot nito.

"Hindi puwede, 'Nay. Wala tayong ihahapunan kapag hindi ako pumunta ng
palengke ngayon."

"Pero malakas daw ang bagyong ito. Delikadong tumawid sa ilog. Anak…"

"Kapag takot ang pinairal natin, 'Nay, mamamatay tayong pare-pareho ng
dilat. Aalis na ho ako. Kayo na ang bahala rito. May maisasaing pa
naman tayo para sa tanghalian. Iyong sardinas kong uwi kagabi ang
ulamin ninyo. Aalis na ho ako."

Maghapong umulan. Lubhang lumaki ang tubig sa ilog ng Meycauayan.
Nasabay pa sa high tide. At maghapon ding basa ang buong katawan at
damit na suot ni Leo. Ngunit hindi nito iyon alintana sa kagustuhang
kumita ng karampot na pera sa pagbubuhat sa palengke.

Pagsapit ng gabi, tumindi pang lalo ang buhos ng ulan. Ang dati'y
higit sa anim na mga bangkang pumapalaot sa ilog upang sumundo at
maghatid sa pasahero ay naging isa na lang. Hindi na nakipagsapalaran
marahil ang ibang bangkero dahil masungit ang panahon.

Hindi na nakaimik pa ang ina ni Leo. Ngunit ang totoo, aandap-andap
ang loob nito sa pangambang mapahamak ang anak nang dahil sa unos.

Ang totoo, andap din ang loob ni Leo nang sakay na ng nag-iisang
bangka. Lima silang sakay nito at pang-anim ang bangkero. Wala isa man
sa mga sakay ng bangka ang nagtangka pang takpan ang sarili laban sa
ulan. Sadyang malakas ang ulan kaya gamitan man ng payong ay balewala
rin.

Bitbit ang bigas at ilang piraso ng isda, at ang kaunting baryang
natira sa maghapon niyang kita, umuwi na si Leo sakay ng bangka.

Hindi pa nakakalayo sa pampang ang bangka ay muling bumuhos ang ulan.
Sobrang lakas na may kasama pang hangin. Pagkuwa'y kumidlat kasunod ng
nakabibinging kulog. Napatili ang nag-iisang babaeng sakay ng bangka.

Ang tiling iyon ay nasundan nang biglang gumewang ang bangka. Naalarma
ang lahat. Sumigaw ang bangkero na huwag silang gumalaw at pumirmi
lang. Ngunit ang totoo, kabado na rin noon ang bangkero.

Ang sumunod na pangyayari ay naging mabilis na. Hindi na nakontrol ng
bangkero ang sitwasyon. Tuluyang tumaob ang bangka at ang sakay nito
ay bumulusok sa madumi, maitim at maburak na tubig ng ilog.

Pagkalipas ng mahigit isang oras, halos napapitlag si Mabel pagkarinig
sa sunud-sunod na katok. Agad nitong binuksan ang pintong halos magiba
na sa kalumaan upang mamangha sa nakita.

"Diyos ko, anak! Ano'ng nangyari sa iyo?"

Halos makulapulan ng burak ang buong katawan ni Leo. Hapo at halos
hindi nito magawang magsalita.

Tubig ang unang hiningi ni Leo. Kapiraso mang salita ay walang nasabi
si Leo sa ina hanggang igupo ito ng antok.

Kinabukasan ay kumalat sa buong baryo ang masamang balita. Tatlo ang
nawawala na sakay ng lumubog na bangka nang nagdaang gabi. Kasama ang
bangkero. Ang dalawa ay lumutang at walang buhay.

Mula sa labas ay humahangos ng pasok si Mabel. Naabutan nito si Leo na
nakaupo na waring tulala ang itsura.

"Diyos ko, anak! May nagbuwis na naman pala ng buhay sa ilog kagabi.
Nawawala ang anak ni Imelda. Iyong isa, bangkero daw at iyong isa taga
dulo daw at hindi pa umuuwi. Tiyak na sakay din daw iyon ng bangkang
lumubog. Iyong dalawa naman…"

Humagulgol nang tuluyan si Leo sa buong pagkagulat ng kanyang ina.

"A-Anak…?"

"'Nay… 'Nay, sakay din ako ng bangkang iyon…"

Napaawang ang bibig ni Mabel. Mabilis na tumulo ang luha nito sabay
kabig ng yakap sa anak.

"Diyos ko, anak…nakaligtas ka…salamat sa Diyos at nakaligtas ka..
.Diyos ko salamat po!"

Magkayakap na nag-iyakan ang mag-ina. Nang mahimasmasan si Leo ay saka
ito muling nagsalita.

"Nay, h-hindi kayo maniniwala.. .s-si.. .Tatay… siya ang nagligtas sa
akin kagabi…" kunot-noong napatitig sa anak si Mabel.

"Totoo ho.. .kitang-kita ko si Tatay.. .hinila niya ako.. .m-mahigpit
niya akong niyakap, 'Nay.

"A-Anak…?"

"I-Iyon lang ang natatandaan ko tapos.. .hindi ko na alam kung paano
ako nakarating sa pampang."

Katotohanan iyong wala nga marahil makapagpapatunay. Ngunit ang tulad
ni Leo na nasuot sa bingit ng kamatayan ay hindi magagawang
magsinungaling at humabi ng kuwento.

Pinaniwalaan ni Mabel ang sinabi ng anak. Marahil nga'y iniligtas ni
Uro ang panganay na anak na tanging kakandili sa naiwan niyang
pamilya.

0 comments:

Post a Comment