Si Nanay Rosa ay may tatlong taon na ring biyuda. Sa kasamaang palad
ay hindi sila pinalad na magkaroon ng anak ng asawang si Mang Pedring.
Namatay si Mang Pedring sa sakit na asthma, sakit na nagpahirap rito
sapul pagkabata pa lang. Ilang taon ding namasukan si Mang Pedring sa
isang pabrika sa Malolos Bulacan. Pagawaan iyon ng papel.
Nang mamatay si Mang Pedring ay may nakuha namang monthly pension ang
kanyang beneficiary na si Aling Rosa.
Minsa'y sinulatan ng bangko si Aling Rosa. Tinanong ito kung nais nito
na padaanin sa ATM ang pension na kokolektahin kada buwan. Subalit
dahil sa matanda na at hindi rin nakapag-aral ay hindi pumayag ang
matanda Katwiran pa nito'y hindi rin naman siya marunong gumamit ng
ATM machine.
Hanggang sa kasalukuyan ay over the counter sa bangko kung kumolekta
ng pension si Aling Rosa. Sa petsa ng kamatayan ng asawa, buwan-buwan
ay nagtutungo ng bangko si Aling Rosa.
Isang thrift bank na one ride lang mula sa tirahan ni Aling Rosa ang
kinukuhanan nito ng pension. Siya mismo ang kumukuha ng pension dahil
wala rin siyang maaaring mapagkatiwalaang mautusan.
Pilit na pinagkakasya ng matanda ang natatanggap na pension sa kanyang
pansariling gastusin. Sa puntong iyo'y nakabuti na rin ang kawalan
nito ng anak dahil sarili lang ang kailangan niyang itaguyod.
At muling dumating ang araw ng pagkolekta ni Aling Rosa ng pension.
Maagang gumayak ang matanda upang tumungo sa bangko. Paglabas ng bahay
ay saglit natigilan ang matanda.
"Ay pambihira! Naiwan ko ang aking libreta de banco. Naku kahirap
talagang tumatanda.. .makakalimutin na."
Muling binuksan ng matanda ang ipininid nang padlock ng pinto ng
bahay. Nagbalik sa loob at kinuha ang libreta de banco.
Bitbit nitong muli ang maliit na bag na sa tuwina'y dala ng matanda
saan man magpunta. Muling ipininid ang seradura ng pinto. Ngunit bago
pa makalayo ay muling nahinto sa paghakbang ang matanda.
"Aba teka.. .ang salamin ko ba'y nadala ko?"
Binuksan nito ang dalang bag at siniyasat ang loob nito. Pagkuwa'y
napatapik sa noo si Aling Rosa.
"Ano banamang buhay ito, oo!"
"Hay naku, Pedring! Ako yata'y nagiging ulyanin na. Lahat na lang
nakakalimutan ko. Kaaga ko pa namang gumayak iyon pala'y tatanghaliin
din ako sa pagparoon sa bangko."
Walang nagawa ang matanda kundi muling magbalik sa loob ng bahay. Nang
sakay na sa wakas ng tricycle si Aling Rosa, walang anu-ano'y
nakarinig sila ng pagsabog.
"Ano'yon?"
"Naku, Inang, sumabog ang gulong ng tricycle ko. Pambihira!"
"Ha? Ay santisima ako 'ata'y talagang minamalas sa araw na ire! Aba'y
paano ngayon ito? Paano ako makararating sapupuntahan ko?"
"Pasensiya na ho. Maghintay na lang kayo ng darating na tricycle at
lumipat kayo ro'n, 'Nang."
Wala nang nagawa pa si Aling Rosa. Ilang minuto pa ang hinintay niya
bago may dumaang tricycle na walang sakay. Saka lang nakaalis ang
matanda.
Pagdating sa bangko ay ibig mapapalatak ng matanda. Maraming tao at
tiyak na matatagalan siya sa pagkuha ng pension.
Kilala na si Aling Rosa ng mga empleyado roon. Lalo na ang teller na
laging kinukunan nito ng pension. Agad sumenyas ang teller kay Aling
Rosa. Sinabing maghintay lang ito at sesenyasan na lang kapag puwede
na.
Sa isang upuan doo'y naghintay si Aling Rosa kasama ng iba pa. Less
than ten minutes nang pumasok doon si Aling Rosa ay pumasok ang apat
na lalaki. Puro nakasuot ng pormal. Sa mga ito nga napatingin ang mga
naroroong naghihintay.
Walang anu-ano'y may inilabas ang apat na lalaki.
"Holdup 'to! Dapa!
Mabilis ang sumunod na pangyayari. Sa loob lang ng ilang segundo ay
nakuha ng mga holdupper ang gusto. Nginig sa takot ang lahat habang
pasubsob na nakadapa sa sahig.
Abut-abot ang dasal ni Aling Rosa habang pabaluktot na nakadapa sa
sahig. Umiiyak ng paimpit ang matanda.
Lingid sa kaalaman ng lahat maging ng mga holdupper, isang kliyente na
nakadapa sa isang sulok ang patagong kumuha ng video sa dala nitong
digicam. Kinuhanan nito ng video ang pangyayari.
Makaraan ang ilang sandali ay mabilis na tumalilis ang apat na lalaki
na sa mismong front door din dumaan. Pagkuwa'y pumailanlang ang
dalawang magkasunod naputok ng baril. Na nasundan pang tatlong
sunud-sunod. Noon nagtilian ang ilang kliyenteng babae. Naghisterya
ang mga ito.
Sa labas ng bangko, nakabulagta ang dalawang guard. Paglabas ng mga
holdupper ay tinangka ng mga itong paputukan ang apat na lalaki.
Ngunit hindi tinamaan kung kaya sila ang binalikan ng putok. Sapol ang
dalawang guard.
Ilang minuto pa ang lumipas bago nagdatingan ang pulisya. Nagsimulang
magsiyasat ang mga ito.
Kay bilis na kumalat ang balita. Humugos ang mga tao sa lugar upang
makiusyoso. Isa man sa mga tao sa loob ng bangko ay walang
makapagsalita agad. Sa takot marahil sa katatapos na tagpo.
Noon napabulalas ng iyak si Aling Rosa.
"Diyos ko po.. .Diyos ko po, Pedring! Akala ko'y magkikita na tayoDiyos ko po!"
Isang babae ang lumapit at pilit nagpakalma kay Aling Rosa. Ito ma'y
luhaan na rin noon. Ang babae ring iyon ang nagmagandang-loob na
maghatid kay Aling Rosa sa bahay ng matanda. Pagkaraan pa iyon ng
mahigit isang oras dahil hindi pinayagan ng mga pulis na lumabas agad
ang mga tao sa loob ng bangko.
Ang pension na kukunin ay hindi na naalala pa ng matanda dala marahil ng takot.
Sa tahanan ng lalaking palihim na kumuha ng video, ipinakita nito sa
pamilya ang nakuhanang kaganapan.
"Ipakikita mo ba "yan sa mga pulis, Dad?"
"Ewanko.. .dapat "ata pero.. .hindi kaya manganib ang buhay ko?
Kitang-kita rito ang itsura ng mga holdupper, e."
"Kung hindi n'yo man 'yan ipakita sa mga awtoridad.. .tiyak namang may
camera ang bangko, 'di ba?"
"Hindi tayo sigurado d'yan, Ate. Baka sa bangkong iyon ay wala..
.pipitsuging bangko lang naman iyon. Sa malalaking bangko lang "ata
may camera, e."
Pagkalipas pa ng ilang araw, nang muling panoorin ng lalaki at ng
kanyang asawa ang nakuhang video, saka lang napansin ng lalaki ang
isang bagay.
"Teka lang, "Maibalik ko lang do"n sa'eto. I-pause ko lang sa part na 'to"
Pinagmasdang mabuti ng lalaki ang naka-pause na eksena.
"Ito 'yung matandang babaeoo nga. Siya iyong halos managhoy sa
pag-iyak pagkatapos, e. Pero.. .tingnan mo, "Ma. Hindi ba parang may
nakadagan sa kanya?"
Sinipat ng asawa nito ang ipinakita.
"Oo, matandang lalaki.. .naka-barong tagalog. Pero malabo"
Matandang lalaki na nakasuot ng barong tagalog ang nakadagan sa
matandang babae na walang iba kundi si Aling Rosa.
"Sa pagkakatanda ko walang nakadagan kay lola. Teka wala talaga, 'Ma.
Nakabaluktot nga sa pagkakadapa si lola habang umiiyak. Medyo malapit
kasi siya sa puwesto ko. Perobakit dito may nakadagan sa kanya?"
Muling sinipat ng asawa nito ang video.
"Pa, parang malabo.. .parang ulap lang na"
"Pero matandang lalaki at nakabarong.. .kitang-kita, o"
Nagkatinginan ang mag-asawa.
"Baka multo?" sambot ng babae.
Hindi nga marahil paniniwalaan ng iba subalit nang mga sandaling
nagaganap ang robbery, totoong may nagtakip sa katawan ni Aling Rosa.
Dinaganan ito upang bigyang proteksyon. Upang iligtas sa nakaambang
kapahamakan.
Sa videocam ay hindi nakaligtas ang anyong iyon. Hindi ito likha ng
manipulasyon o imahinasyon. Kundi isang kaganapan ng kababalaghan.
Ang pagkabalam ng pagpunta sa bangko ni Aling Rosa ay isang babala.
Babala na paraan ni Mang Pedring upang huwag tumuloy sa pagpunta sa
bangko ang asawa.
May mga pangyayaring nakatakda marahil maganap. Kaya nawalan ng
kontrol si Mang Pedring. Sa halip ay iniligtas na lamang ang asawa sa
tanging paraang alam at kaya nitong gawin.
Ang pagmamahal kung minsan ay kayang gumawa ng ano mang imposibleng
bagay maging ng kababalaghan.
Wednesday, February 27, 2013
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment